Panatang Makabayan: Kabataang Pinoy Para Sa Katarungang Panlipunan
(This is an excerpt from Ronald Molmisa’s chapter in the free ebook, What About Justice? To read the rest of the chapter and to download the rest of the ebook, click here)
"Iniibig ko ang Pilipinas
Ito ang aking lupang sinilangan
Ito ang tahanan ng aking lahi
Ako’y kanyang kinukupkop at tinutulungan
Upang maging malakas, maligaya at kapakipakinabang
Bilang ganti, diringgin ko ang payo ng aking mga magulang
Susundin ko ang mga tuntunin ng aking paaralan
Tutuparin ko ang mga tungkulin ng isang mamamayang makabayan at masunurin sa batas
Paglilingkuran ko ang aking bayan nang walang pag-iimbot at nang buong katapatan
Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino sa isip, sa salita, at sa gawa."
- Panatang Makabayan
Minamahal kong Pinoy Millenials,
Iyan ang Panatang Makabayan ng aking kabataan. Old school. Hindi ko alam kung mas OK sa inyo iyan. Iyan pa rin kasi ang nakatatak sa aking isipan. Mahigit sampung taon kong sinambit iyan tuwing flag ceremony, pero mas naintindihan ko na hindi madaling isabuhay ang diwa niyan noong ako’y nagka-edad na.
May tatlong bahagi ang Panata — ang pagkalinga ng bayan, ang magagawa mo para sa bayan, at ang pangakong maging huwarang mamamayan. Bago pa tayo ipanganak, nariyan na ang bayang kumupkop sa atin upang magkaroon tayo ng pagkakakilanlan. Marami tayong puwedeng gawin bilang ganti sa kontribusyon ng bayan sa ating pagkatao. Kailangan din tayong magsikap upang maging mabuting mamamayan.
Hindi tayo iniluwal sa mundo na may ugali at damdaming makabayan. Kailangan tayong turuan ukol sa bagay na iyan. Paano natin ngayon sisimulan na mahalin ang ating bayan? May suggestion ako: Isulong natin ang katarungang panlipunan. Social justice. Big word ba? Maaaring mabigat na konsepto iyan para sa iyo dahil hiwalay pa sa inyong karanasan. Ito ang tamang panahon para pag-usapan natin nang masinsinan ang bagay na iyan. Kapag tumanda ka at hindi mo nakasanayang tumulong sa iba, mas mahihirapan kang unawain kung bakit kailangan itong gawin.
MAHALIN ANG NAGDARAHOP NA KABABAYAN
“Iniibig ko ang Pilipinas. Ito ang aking lupang sinilangan. Ito ang tahanan ng aking lahi. Ako’y kanyang kinukupkop at tinutulungan.”
Nakatira tayo sa isang bansang mahigit 20% ng pamilya sa buong bansa ay mahirap. Marami pa rin ang hindi kumakain nang tatlong beses sa isang araw at hindi naaabot ng pampublikong serbisyo. May apat na kalimitang dahilan kung bakit nananatiling mahirap ang marami. Una, bunga ng mga hindi maiiwasang trahedya. Sa isang bansang wagas kung bisitahin ng mga bagyo at iba’t ibang kalamidad, nahihirapang bumangon ang masa. Pangalawa, dahil sa kagagawan ng ibang tao na umaalipin at nang-aabuso sa kanila. Too many to mention. Ganundin, may naghihirap dahil sa mga maling desisyon sa buhay at masasamang bisyo at gawi (tulad ng alak at sugal). At pang-apat, maraming bagay sa lipunan na pumipigil sa kanila para umunlad. Kasama na diyan ang lagay ng ekonomiya at mga hindi epektibong polisiya ng pamahalaan.
Hindi tayo puwedeng magbulag-bulagan sa pinagdaraanan ng mahihirap nating kababayan. Huhusgahan tayo ng Panginoon sa kung paano natin sila pinapakitunguhan. Hindi natin masasabing mahal natin si Lord na hindi natin nakikita, kung iyon ngang nakikita natin sa araw-araw ay hindi natin kayang arugain. Ang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa ay hindi maaaring paghiwalayin. Two sides of the same coin iyan.
Paano mo mapapataas ang pagmamahal mo sa kanila? Kung hindi ka pa nakaka-relate sa kanilang pagdurusa, makakatulong na manood ka ng mga documentaries o pelikulang nagpapakita ng tunay na mukha ng kahirapan. This is to cultivate your “compassion awareness.”
Hindi mo kailangang lumayo. Just follow the principle of “moral proximity.” Unahin mong kalingain ang mas malapit sa kinalalagyan mo. Nangunguna diyan ang iyong pamilya. Kasama sa utos ni Lord na unahin nating alagaan ang ating mga magulang. Sa bahay dapat magsimula ang pagtulong sa kapwa. Ang pagsunod at paggalang sa iyong magulang ay tanda ng pagmamahal mo sa Panginoon. Idamay mo rin ang iyong mga kamag-anak. Maaari ka ring mag-survey kung may mga kabataan o matatanda na wala nang kumakalinga. Bahagi ng ating responsibilidad na tulungan sila.
But take note of this: Unang hakbang lang ang short-term aid. We must aim at eliminating poverty rather than just relieving it for a season. Ang mas gusto natin ay matutunan ng mga mahihirap na tulungan ang kanilang sarili (long-term goal). Kailangang matigil ang siklo ng panlilimos at pag-asa sa iba (dependency). Walang maghihirap kung magtutulungan.
MAGING MATINONG ANAK, ESTUDYANTE, AT MAMAMAYAN
“Bilang ganti, diringgin ko ang payo ng aking mga magulang. Susundin ko ang mga tuntunin ng aking paaralan.”
Kapag hindi maayos ang iyong ugali at asal, paano ka magiging “asset” ng bayan? Ang tunay na “pag-asa ng bayan” nagtitino sa kanilang pag-aaral at marunong sumunod sa magulang. Kapag mabuti kang anak at estudyante, hindi ka na dadagdag sa mga pasaway sa lipunan. Mangangarap ka hindi lamang para sa iyong sarili kundi para sa iyong mga mahal sa buhay at kababayan.
Great “equalizer” ang edukasyon. Kapag aral ka, hindi ka madaling lokohin ng iba. Mas malaki ang potensiyal na makahanap ka ng mas matinong trabaho. Simulan ang pagbabago sa study habits mo. Kapag lagi kayong free rider o hindi tumutulong sa mga group report/projects, hindi ninyo tinuturuan ang inyong sarili upang maging disiplinado. Kapag nasanay kayong nangongopya sa exam, madadala ninyo iyan hanggang sa inyong pagtanda. Kapag lagi kayong “late” sa klase, hindi ninyo sinasanay ang inyong sarili na maging seryoso sa trabaho.
Kayo ang tinatawag na “Internet” o “online generation.” Sa halip na ubusin mo ang iyong oras sa pagpo-post lang ng mga rants at selfies, bakit hindi mo rin gamitin iyan para tumulong sa iba? Ilang beses ko nang nagamit iyan para mag-fund raising para sa mga nangangailangan. May mga “crowdsourcing” online facilities para makalikom ka ng pondo for charity projects (tulad ng GoFundMe). You can make your own documentary and featured post to highlight people who need assistance. Masarap sa feeling kapag nakikita mo ang iyong post na nagva-viral for a great purpose.
“Tutuparin ko ang mga tungkulin ng isang mamamayang makabayan at masunurin sa batas.”
We obey laws so that other people can also enjoy the fruits of a just society. Nakakalungkot lang na kayang lusutan ng maraming mayaman sa lipunan ang kanilang mga kaso. Sad life. Linawin ko lang ha: Hindi lahat ng mayaman ay abusado. Pero kalimitan sa mga nang-aabuso ng kapangyarihan ay mayaman. Sa ganitong kalakaran, dapat matutunan ng mga kabataang manindigan sa kung ano ang tama at makatwiran. Speak for those who cannot speak for themselves.
Maging makatarungan sa iba. Balik tayo sa social media life ninyo. Huwag masyadong gullible. Huwag post nang post ng kung ano-anong online articles kahit hindi verified ang information. Parte ng inyong commitment sa bayan ang magsabi ng katotohanan. Educate yourself about social media ethics. Kung paano kayo nagbe-behave nang maayos sa school, church, at bahay, sana ganoon din online. Kapag nag-share kayo ng mga maling impormasyon, maaaring sirain ninyo ang reputasyon ng mga tao. Mahirap nang buuin ang nasirang pangalan. Pakitandaan: Mayroon nang batas tayo ukol sa online libel sa Cybercrime Prevention Act of 2012. Increase your IQ and EQ (emotional intelligence) pagdating sa bagay na iyan. Think before you click and share.
BAYAN MUNA BAGO ANG SARILI
“Paglilingkuran ko ang aking bayan nang walang pag-iimbot at nang buong katapatan.”
Ang salitang “pag-iimbot” ay nangangahulugang paghahangad o pagiging sakim. Para matigil ang ugaling iyan, dapat matutunan ninyong magbigay nang bukal sa inyong puso. Giving produces a great legacy. Your legacy shall be all the people who would be touched by your love. Laging may mahirap tayong makakasama kaya dapat handa tayong tumulong sa kanila. We are called to be a river of blessings. Kailangang umanod sa susunod na henerasyon ang lahat ng magagandang bagay na naganap sa iyong buhay. It is always better to give than to receive.
Mabuhay nang simple. Ito ang tinuro ni Lord sa kaniyang mga apostol nang sabihin Niyang hindi puwedeng magsabay ang kanilang pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa salapi. Ito ang dahilan kung bakit nagawa ng unang mga mananampalataya na ibigay ang kanilang ari-arian para sa ikabubuti ng lahat. Hindi masamang yumaman pero huwag maging dahilan ang inyong pagyaman sa pagkalimot sa mga mahihirap nating kababayan. Kung paano kayo pinagpapala, ganundin sana ang pagtaas ng level ng iyong pagbibigay para tulungan ang iba.
“Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino sa isip, sa salita, at sa gawa.”
Ang tunay na pag-ibig, hindi napapagod. Sa biyaya at habag ng Panginoon, na Siyang kikilos sa ating buhay, magagawa nating pababain ang antas ng kahirapan sa bansa. Hindi convenient ang tumulong pero it is all worth it. Marami pa sa ating mga kababayan ay hirap tulungan ang kanilang sarili. Hindi kaya ng pamahalaan na abutin lahat sila. Matagal-tagal pa bago sila makaagapay sa buhay. Sino ngayon ang tutulong sa kanila? Tumingin ka sa salamin. So, alam mo na, ha? Now, do what you need to do.
Kasama ninyong naglilingkod sa Diyos at sa bayan,
Kuya Ronald
Mahigit 20 taon nang naglilingkod si Kuya Ronald Molmisa sa ministeryo. Una siyang dumalo ng Vacation Bible School noong siya ay anim na taong gulang. Dahil sa masaganang biyaya ng Diyos, consistent honor student siya mula Grade 1 hanggang high school. Nagtapos siya ng BA Public Administration at Master in International Studies (major in Political Science) sa Unibersidad ng Pilipinas– Diliman. Nagturo siya sa loob ng pitong taon sa tatlong nangungunang unibersidad sa bansa—blue, green at maroon—bago tuluyang ituon nang buo ang kanyang buhay sa ministeryo. Kasalukuyan siyang abala bilang Head Pastor ng Generation 3:16 Ministries, isang ministeryong nakatuon sa pag-abot sa kabataan at pamilyang Pinoy. Siya ang tagapagtaguyod ng Lovestruck Movement, isang samahan ng mga taong naniniwala sa tatlong simple subalit seryosong utos ng Panginoon: Love God. Love People. Disciple. Maaari ninyo siyang i-email sa rcmolmisa@gmail.com at bisitahin ang official website ng kanyang ministeryo: www.lovestruckmovement.org.