Ang Pastor Kong Igop
Para kay Pastor,
Upang alalahanin ka ngayong Pastors’ Appreciation Month, nais kitang pasalamatan. Labingwalong taon na kitang Pastor. Labingwalong taon na akong nasa ilalim ng pangangalaga at pangangasiwa mo. Sa haba ng panahon na iyon, ikalawang tatay na ang turing ko sa iyo. Hindi na matutumbasan ng anumang salita at panulat ang lahat ng nagawa mo para sa akin. Isa sa pinakamalaking pagpapala ng Diyos sa akin na ikaw ay ilagay Niya sa buhay ko. (Hindi ko lang po alam kung ganun din ako sa inyo sa dami ng mga sakit ng ulo na naidulot ko). Napakaraming bagay ang natutunan ko sa inyo, pero tatlong bagay lang po ang isusulat ko ngayon, para meron pa akong isulat next year. Sa totoo lang po, hindi ko na po alam kung paano pa mailalahad ang aking pagpapasalamat, kaya idadaan ko na lamang sa pananalitang madaling maunawaan sa panahon ngayon.
Hindi ka petmalu.
Isa ka sa pinaka-istriktong tao na nakilala ko, pero kahit minsan ay hindi ka nagmalupit. Sa labingwalong taon na naging Pastor kita, kaliwa’t kanang mga tao na ang nasaksihan kong bumangga, lumaban, at nagtangkang manira sa’yo, pero dinala mo ito ng maayos, at pinakitunguhan mo pa rin sila nang maayos. Palagi mong sinasanay ang mga church workers na gumawa at maglingkod nang maayos, mabilis, at pulido. “Kilos sundalo! Mga kawal tayo dito,” madalas mong bukambibig. Kasabay ng disiplinang ito, ikaw ay umaagapay, gumagabay, at umaalalay. Madalas mo kaming itinutulak sa aming mga gawain, ngunit hindi tulad ng isang bossing. Wala kang ipinagawa na hindi mo muna pinangunahan at wala kang itinuturo na hindi mo muna natutunan. Pastor, salamat po dahil hindi ka nagmamalupit. Hindi ka petmalu.
Hindi ka lodi.
“Huwag kang sasandal sa akin. Tao lang ako. Kapag sumandal ka sa akin at bumagsak ako, babagsak ka din.” Palagi mo itong sinasabi sa amin. Kwento mo, natutunan mo ito sa Pastor mo, at nais mo ring matutunan namin. Nais mong tandaan namin na hindi ikaw ang lodi. Saludo po ako sa inyo sa pilosopiyang ito. Salamat dahil pinapatingin mo kami kay Kristo upang walang pagkakataon na tumingala kami sa iyo. Dalawang bagay ang natutunan ko sa’yo sa aspetong ito. Una, I should follow you as you follow Christ. Pangalawa, hindi ka lodi.
Ikaw ang tunay na igop.
Hihiramin ko ang depinisyon ni Ardy Roberto sa kanyang libro na Real Men are POGI. Ayon kay Ardy, ang isang tunay na P.O.G.I. ay mayroong Purity, Obedience, Gentleness, at Intensity. Pastor, salamat po dahil kayo ang tunay na igop. Araw-araw akong saksi sa INTENSITY ng inyong pamumuhay para kay Kristo. Ikaw at ang tatay ko ang perfect example para sa akin ng pagiging GENTLEMAN. Ang pagsuko mo ng iyong sarili upang maglingkod sa Panginoon ay ang pinaka-hinahangaan ko sa iyong OBEDIENCE. Panghuli, ang paggabay mo sa amin upang ihatid kami sa pakikipag-relasyon na kalugod-lugod sa Panginoon ay naka-angkla sa ipinamumuhay mong PURITY.
Pastor, kulang po ang masasabi ko upang ipagpasalamat ang lahat ng bagay na naitulong niyo sa buo kong pagkatao. Maraming salamat po.
Hindi ka petmalu.
Hindi ka lodi.
Pero ikaw ang tunay na igop.